Friday, September 4, 2009

Isang Panaginip

Habang pinagmamasdan ko siya, pilit kong tinatanong sa aking isipan kung bakit nasasabi ng ibang mga tao na mahinang-mahina na siya. Ito ba ang kahinaan? Namumulang pisngi, malulutong na harakhak, mapagsik na mga kilos? Hindi. Pilit kong itinutulak sa aking diwa na kailanma'y hinding hindi siya manghihina.

Alas singko ng madaling araw nang bigla akong nagising mula sa isang kakaibang panaginip. Malungkot, masaya, matamis, mapait. Isang panaginip na may pagbati na nauwi sa isang masubu na pamamaalam. Ito ang aking panaginip sangkot ang isa sa pinakamagaling at pinakamabait na guro na aking nakilala--hindi lang guro kundi isang mapagkandiling ina at abyan--si Ma'am Amor.

Sa isang bukas na gusali sa San Agustin nagtitipon ang mga guro habang si Ma'am Amor, suot ang puting damit at pulang pedal, ay masiglang nagtatalakay at nagkukuwento ng kanyang mga karanasan bilang isang dekana at guro. Nasisilayan sa kanyang mukha ang saya habang nagbibiro sa kapwa niya mga guro. Nagtatawanan ang lahat. Walang bakas ng karamdaman ang kanyang pagkatao. Pero wari ko'y ikinukubli niya lamang ito sa pamamagitan ng kanyang mga harakhak at biro, maging ng pagsasayaw. Ramdam ko sa aking panaginip ang kakaibang saya ng lahat habang kapiling si Ma'am Amor. Ngunit sa kalauna'y nabuslan ito ng isang malungkot na pangyayari. Natumba ang pinakamamahal kong guro. Nabigla ang lahat. Ngunit doon ako humanga sapagkat pilit niyang itinayo ang kanyang sarili nang mag-isa. Sa kasawiampalad, nanaig ang kahinaan, at kailangan na ni Ma'am Amor ang umuwi. Nalikupan ng kasubu ang buong paligid. May iyakan. Nilisan ng lahat ang gusali, habang naiwan akong mag-isa.

Mahinang naglalakad si Ma'am Amor nang nakita niya ako. Narinig kong sinambit niya ang aking pangalan. Tinawag niya ako. Lumapit ako sa kaniya at iniabot ko ang aking kamay upang tulungan siya. Ngumiti siya sa akin at sinabing hindi ko na siya kailangang alalayan. Pinilit ko ang aking sarili na alalayan siya habang tumatawid patungong Alumni Building upang lumabas ng paaralan. Habang hawak ang kanyang braso, unti-unti kong nararamdaman ang pagkulubot ng kanyang panit. Unti-unting nagbabago ang kanyang dating masiglang disposisyon. Hindi ko ipinakita ang aking kalungkutan. "Ngaa ginaobra mo ni?" ang tanong niya sa akin. Malalim ang aking buntung-hininga habang ikinukubli ang aking luha. "Ma'am, di bala sang una, tapos 'ta buhi kon gab-i, ako ang nagadul-ong sa imo sa gwa, tapos ginabantayan 'ta ka taxi kag pasakyon. Gusto ko tani nga himuon ini liwat." Tanging ngiti ang tugon ni Ma'am Amor sa kabila ng kaalaman kong pati ang kanyang alaala ay unti-unti na ring nawawala.

Pero sabi ko sa aking sarili, kahit hindi na niya ito madumduman, gusto ko na sa huling pagkakataon, mapagkit sa kanyang isipan na minsan may isang batang tagabitbit ng kanyang bag at tagapara niya ng taxi. Kahit man lang sa araw na ito, habang tinutulungan ko siya, makaramdam siya ng gaan at saya sa kanyang puso sa kabila ng kanyang malubhang karamdaman.

Natapos ang aking panaginip sa paghatid ko sa kanya sa labas ng gate. Nagising ako. Ewan ko ba. Hindi ko maunawaan ang aking naramdaman. Malungkot na masaya. Dahil kahit sa panaginip, nakapiling ko liwat si Ma'am--ang dating masayahin at mapagmahal na guro sa lahat.

Sa kabila ng katotohanang siya'y tuluyan nang magpaalam, nais kong ihanduraw ang kanyang alaala bilang isang guro, ina at kaibigan sa pamamagitan ng panaginip na ito. Gusto ko itong isulat upang kahit lumipas man ang panahon, mananatili siya sa aking diwa, puso, at kaluluwa.

No comments:

Post a Comment