An exact copy of my life is being lived a million light years away/If there's a way to prove it. - Eric Gamalinda, "Poem Not Written in Catalan"
Tuesday, May 11, 2010
Ang Alamat ng Punta Nasog
Mayroong isang alamat kung bakit hugis tuktok ng tandang ang Punta Nasog. Sa salitang Espanyol nga, tinatawag itong Cresta de Gallo. Ayon sa mga matatanda, gawa ng dalawang nilalang na magkaiba ang mundo kaya nabuo ang Punta Nasog. Dalawang nilalang na umibig at nagkahiwalay dala ng isang sumpang pumagitna sa kanilang pagmamahalan. Ito ang pag-ibig nina Buyung Nasog at Lin-ay Bandirahan .
Mula sa angkan ng mga tamawo si Lin-ay Bandirahan. Bilang anak ni Reyna Olayra, ang pinakamakapangyarihan engkanto, walang kawangis ang kagandahan nito sa buong kaharian ng Aninipay. Kahit ang mga diwata ng Igbarabatuan at mga mortal ng Sitio Panabudlon ay nahisa sa kaanyag ni Lin-ay Bandirahan. Ngunit sa kabila ng kagandahan nito, lingid sa kaalaman ng mga tao’y may kalungkutan na itinatago si Lin-ay Bandirahan sa kanyang puso. Bilang isang prinsesa ng mga tamawo, hindi siya maaaring umibig sa lalakeng hindi nila kauri, lalung-lalo na sa isang mortal. Kapag umibig si Bandirahan sa isang taga-lupa, mamamatay ang dalagang diwata.
Minsan, habang namamasyal sa kagubatan ng Dapdap upang mamitas ng mga ligaw na dapo, may nakasalubong si Lin-ay Bandirahan na isang binata. Matikas, matipuno ang pangangatawan, at katulad ng isang mabangis na agila ang mga mata. Sa unang pagkakataon, nakaramdam ng pag-ibig si Lin-ay Bandirahan. Biglang napawi ang kalungkutan sa puso ni Lin-ay Bandirahan. Nagkaroon siya ng lakas at tapang na magpakilala sa binata, ngunit dahil bawal ang pag-iibigan sa pagitan ng mga diwata at mga mortal, inilihim ng dalagang diwata ang tunay nitong pagkatao.
Nasog ang pangalan ng binata. Isa itong hamak na mangangaso at anak ng mga mortal na nilalang na sina Buyung Iguhag at Dayang Atay-atay. Nagpakilala si Lin-ay Bandirahan bilang si Bantigue, isa ring mortal na naninirahan sa tabing-dagat. Sa buong maghapon na nagkasama sina Nasog at Lin-ay Bandirahan umusbong ang pag-iibigan sa pagitan ng isang mortal at ng isang diwata na labis na ipinagbabawal ng lipunan noon. Nangako sila sa isa’t isa na magkikita sa kagubatan ng Dapdap upang doon pagsaluhan ang kanilang pagmamahalan. Sa bawat dapithapon nagtatagpo sina Nasog at Bandirahan, hanggang sa nalaman ni Reyna Olayra ang bawal na pag-iibigan ng kanyang anak at ng mortal na binata. Dahil dito, inilayo ni Olayra si Lin-ay Bandirahan patungo sa kuweba ni Files upang doo’y hindi na makakalabas pa. Sinuway ng mga mortal ang batas ng mga tamawo kung kaya’t labis na nagalit ang reyna. Simula noon, nagtalaga siya ng mga sumpa kapag nangahas ang mga mortal na makipagkaibigan o dili kaya’y gamitin ang mga bagay na pagmamay-ari ng mga tamawo. Ang pangyayaring ito ang nagbunga ng isang digmaan sa pagitan ng mga tamawo at mga mortal.
Sa ikadalawampung kabilugan ng buwan na pagtatagpo nina Nasog at Bandirahan at sa pagsiklab ng digmaan, nagtaka ang binata kung bakit hindi na nakipagkita sa kanya si Bandirahan. Nangako pa silang lumayo upang hindi na danasin ng binata ang sumpang dala ng galit ni Olayra. Nangako silang hindi na magkakahiwalay sa gitna ng pagbabawal ng ina ng diwata.
Ngunit nang gabing iyon, walang Lin-ay Bandirahan na lumitaw. Sa halip, isang dama ang nakipagkita upang ipagtapat kay Nasog na ang kanyang pinakaiibig ay ang mismong anak ng reyna ng mga tamawo. Doon, nalaman ni Nasog na siya ang dahilan ng digmaan sa pagitan ng kanyang lahi at ng mga tamawo. At ang kanyang pinakamamahal na si Lin-ay Bandirahan ay hindi na niya makikita pa.
Ipinaglaban ni Nasog ang pag-ibig niya kay Bandirahan. Sa kabila ng kapangyarihan ng mga tamawo, nakipaglaban si Nasog kay Olayra. Naghanda ang binata upang makipagtuos sa reyna. Sa tulong ng kanyang amang isang babaylan, ipinagkaloob kay Nasog ang isang mahiwagang tandang. Ayon sa kanyang amang si Buyung Iguhag, ang tilaok ng tandang raw ang kinatatakutan ng mga tamawo. Hinihigop raw kasi ng tilaok ang kapangyarihan ng mga ito kung kaya’t takot ang mga tamawo sa tunog nito.
Sa kabilang banda, patuloy na naghihintay si Lin-ay Bandirahan sa kuweba ni Files, umaasang sasagipin siya ni Nasog. Dalawampu’t dalawang taon na ang nakakalipas simula nang sila’y nagkahiwalay at hanggang ngayon naniniwala pa rin siyang ilalabas siya ng binata mula sa kuweba. Subali’t unti unting nakalimutan ni Bandirahan ang mga ala-ala sa pagtagal ng panahong pananatili sa kuweba ni Files. Hanggang sa tuluyan nang nabura sa kanyang isipan si Nasog.
Samantala, nagtagumpay si Nasog sa kanyang pakikipaglaban kay Olayra. Hindi man tuluyang namatay ang reyna, tagumpay namang naitaboy ng mga mortal ang mga diwata. Sakay ng diyamanteng biday, umalis ang mga tamawo sa Aninipay. Sinasabing naiwan ng mga ito ang kanilang mga kayamanan kung kaya’t ang ibang mga tamawo ay palihim na bumabalik lalo na kapag sumapit ang dapithapon, upang bawiin o hanapin ang kanilang mga diamante, perlas, at iba pang kayamanan na kanilang naiwan.
Bago lisanin ang Aninipay, nagsinungaling si Olayra kay Nasog tungkol sa totoong nangyari kay Bandirahan. Sinabi ng reyna na patay na ang kanyang anak dahil sa sumpang kapag umibig ang tamawo sa isang mortal ay mamamatay ito. Napuno ng kalungkutan si Nasog dahil sa pagtatapat ni Olayra. Kung kaya’t iginugol ni Nasog ang panahon sa gitna ng kagubatan ng Dapdap sa pag-asang magpapakita sa kanya si Bandirahan. Hindi siya umalis kahit ano pang pilit ng kanyang mga magulang. At sa gitna ng kagubatan nagpatayo siya ng malaking kamalig at doon na nanirahan. Patuloy ang pagdaan ng mga panahon at patuloy pa ring naghihintay si Nasog. At dahil sa sobrang kalungkutan, nagkaroon siya ng malubhang karamdaman. Ipinahanap ni Buyung Iguhag si Lin-ay Bandirahan sa tulong ng kanyang kawa na binudburan ng pulbong yari sa bato ng bantiling. Sa pamamagitan nito makikita niya ang kinaroroonan ni Bandirahan. At nalaman nga nilang ito’y nakakulong sa kuweba ni Files. Agad na iniligtas ng taga Aninipay si Lin-ay Bandirahan sa madilim na kuweba ng matandang tamawo. Dahil dito, nagalit si Files at isinumpang kung sino man ang mapapadaan sa kanyang kuweba ay agad itong itatapon sa dagat at mamamatay.
Tagumatayon na si Nasog nang nagtagpo sila ni Bandirahan sa gitna ng kagubatan ng Dapdap. Ibinalik ni Buyung Iguhag ang alaala ni Bandirahan kung kaya’t ganoon na lamang ang lugmok nang malaman ang nangyari sa pinakamamahal nitong si Buyung Nasog. Nangako si Lin-ay Bandirahan na aalagaan si Nasog. Dalawa silang nanirahan sa kagubatan, malayo sa mata ng lipunan. Naging buhay nila ang isa’t isa, at hanggang sa paglisan ni Nasog, kasama nito si Lin-ay Bandirahan na pumanaw. Sa pagsapit ng dapithapon, natagpuan silang magkayakap at wala nang buhay. Sa pagkakataong ito, napapaligiran sila ng mga mortal at mga tamawo.
Bilang tanda ng kanilang wagas na pagmamahalan, ginawang bundok ni Reyna Olayra ang dating patag na kagubatan ng Dapdap. At bilang sagisag ng kanyang kahinaan, isinunod ng reyna ang hugis ng bundok sa nilalang na kanyang labis na kinatatakutan, ang tandang.
Kaya ngayon, habang kayo’y napapadaan sa paanan ng Punta Nasog, mapapansin niyong ito’y binubuo ng dalawang bundok, isang mataas at isang mababa. Masasabi ninyong mas mataas ang Nasog, ngunit sa malapitan, mas mataas pala ang Bandirahan. Ito marahil ang simbolong kahit kailan ay hindi na magbabago. Ang pagmamahalan sa pagitan ng dalawang nilalang na magkaiba ang uri sa lipunan. Ganunpaman, umibig sila nang tunay at wagas hanggang sa kamatayan. Ito ang pag-ibig nina Nasog at Bandirahan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment