Saturday, October 16, 2010

Writer's Block Daw (O Arte Lang)

You know the feeling na kahit kating-kati na ang kamay mo na ikamot ang ballpen sa papel ay tila hindi mo magawa dahil parang may malaking bato na nagpapabigat at nagpapatigil upang ikaw ay makapagsulat. Ang worse pa, ay kapag kahit ang isipan mo ay tila vacuum at ni kahit isang disente't simpleng salita ay nakakulong sa madilim na sulok ng iyong utak na naghihimutok na makatakas. Ganyan ang naexperience ko lately. Writer's block man ang tawag dito o pagkatamad, basta ang alam ko, parang sasakyang kulang sa gasolina ang aking sarili. Ilang buwan na rin akong hindi nakakapagsulat ng mga binalaybay at sugidanun.at kahit anong pilit kong basahin ang koleksiyon ng mga maiikling kuwento sa library o basahin ang mga tula ni Frost, wala pa rin akong motivation na magsulat. Maghanap man ako ng inspirasyon, napaka elusive naman yata ng aking Muse.  Kahit ang journal ko ay napupuno na ng mga blankong pahina na nasasabik na makapagniig sa aking panulat at mga talinhaga. Minsan nasasabi ko sa sarili--this is so not me.  Naliligaw na ata ako ng landas. Baka hindi nga ako likas na writer.

Sa kabila ng ganitong masaklap na kalagayan, hindi ko pa rin nakakalimutan ang sinulat ni Rainer Maria Rilke sa Letters to a Young Poet na kahit saan man yata ako mapadpad ay nag-eecho pa rin sa aking isipan. Ayon sa kaniya, "There is only one thing you should do. Go into yourself.  Find out the reason that commands you to write..."

Nagsisilbing konsensiya ko ang payo ni Rilke at kung ang aking sitwasyon ang pagbabasehan, bigo akong sundin ang payong ito.  Dahil nga hindi ako makapagsulat.  Kung sisirin ko man ang kailaliman ng aking sarili para lamang alamin ang mga dahilan kung bakit ako magsusulat, naku, ni hindi nga makakaabot hanggang baywang ang lalim nito.  Puno ng kababawan!  At 'yung ang ikinayayamot ko. Ang mababaw na rason kung bakit nawalan ako ng ganang magsulat.  Sa madaling salita, nag-iinarte lang. At isang John Iremil Teodoro nga lang ang makakapagpagising sa akin sa katotohanang ito.  Salamat sa kanyang comment sa aking Facebook "nugay sagi inarte. sulat lang" (huwag kang mag-inarte. sulat lang).

Muli kong sinubukan na sisirin ang dahilan ng aking pagkasadlak.  Muli kong binalikan ang lulan na pinagmulan ng dilemma na ito.  At ngayon, napapangiti na lamang ako habang naiisip na si Rainer din pala ang magdadala sa akin pabalik sa landas ng pagiging manunulat.  Bakit nga ba ako nagsusulat? Bakit ako magsusulat?  Pag-ibig.  Ang ligaya at kabiguang dala nito.  Buhay. Ang tagumpay at pagsubok na handog nito.  At sa marami pang dahilan na tanging ang isang manunulat lamang ang makapaghatid sa pamamagitan ng kanyang mga binalaybay at sugidanun.  Ang mga dahilan na tumutulak sa isang writer na mag-inarte to the point of being insane.  Mabuti na lamang at muli akong nagising sa kadramahang ito.  Salamat sa Sirena.  Salamat kay Rainer.

No comments:

Post a Comment