Lacuna. Ayon sa diksiyonaryo, ito ay salitang nangangahulugang "kakulangan" o "lang-at sa pagitan ng isang bagay, panulat, or pangyayari." Marahil ang pinakamahalagang yaman ng isang tao ay ang pagkakaroon niya ng alaala. Sa pamamagitan ng alaala lamang natin nahahabi ang bawat kaganapan na tumutulong sa pagbuo ng ating pagkatao. Ang ating alaala ang nagsisilbing tulay na dumudugtong sa ating katawan at kaluluwa. Ano nga ba tayo kung wala tayong alaala? Marahil, mas masahol pa tayo sa patay. Humihinga man tayo, subalit wala naman tayong kaluluwa.
Pero minsan, naitanong ko sa aking sarili, paano kaya kung sa aking paggising,lisanin ako ng aking alaala? Na sa aking paggising, ni kahit isang pangyayari sa aking buhay, hindi ko na matandaan--ang aking pangalan, ang aking mga magulang, ang unang karanasan sa pag-ibig, pagkabigo at pagharap sa pagsubok? Pero minsan, may mga bagay talaga na iniiwasan nating alalahanin. Habang tayo'y naglalakbay sa ibabaw ng mundo, tila ang bawat oras, panahon, at pagkakataon ay kanlong ng samu't saring trahedya, problema, at komplikasyon. Sa tantiya ko nga'y mas marami pa tayong ginauyang na luha kesa sa yuhom. Mas mahirap maghanap ng kaligayahan--ng totoong kaligayahan--dito sa mundo. Ako,may mga pagkakataong kahit mayroong tuwa at ngiti sa aking labi, sa pagtakip ng araw, mayroon pa ring kulang.
Bakit mayroong kulang at kakulangan ang isang tao? O meron nga bang kulang at kakulangan sa kanyang pagkatao? Lahat naman tayo ay nilikha ng Diyos nang buo. Pero bakit pa rin tayo naghahanap ng mga bagay na makapagpapabuo sa ating buo nang pagkatao? Sa totoo lang, isa ring itong katanungan na maski ako'y hindi masasagot. Marahil, lahat naman tayo, ito din ang tinatanong. At ito ang tumutulak sa atin na maghangad ng mga mithiing lampas pa sa ating kakayahan. At aaminin ko, minsan naging biktima din ako ng isang pagyayari dulot ng aking kakulangan. Sa aking pagkabuhi dito sa mundo, naniniwala akong tayo ang humuhubog sa ating pagkatao. Nabubuhay tayo sa gitna ng mga pagsubok hindi lamang laban sa ating sarili kundi sa mga nilikhang nakapalibot sa atin--tao,hayop, kalikasan, at iba pa. Ang bawat araw ay isang pakikipagbuno at pakikidigma para sa tagumpay at kaligayahan. Ngunit minsan, dumadating ang tion na pakiramdam natin, natatalo tayo. Nawawalan tayo ng pag-asa. Nananatili lamang tayo sa isang tabi, humihiling na sana mawala na ang lahat. Mabubura na tayo sa mundong ito.
Galit tayo sa ating mga magulang, sa ating kapitbahay. Nakakaramdam tayo ng paninibugho sa ating mga kaibigan dahil mas matalino sila at mas matagumpay kesa sa atin. Nandidiri tayo sa ating sarili sapagkat minsan nakaranas tayo ng pang-aabuso at pagkakasala dala ng masalimuot na tagpo mula sa ating pagkabata. Nalilito tayo sa daan na nais nating tahakin at hindi natin alam kung ano ang pipiliin. Pakiramdam natin, tumatalikod ang mundo laban sa atin. Maging ang Diyos.
Minsan, kapag nababalot ng karimlan ang aking buhay, hinihiling ko na sana mawala na nang tuluyan ang aking alaala. Na sana, gumising akong wala nang matatandaan. Na sa gayon, makakapagsimula akong muli. Kapag puno ako ng galit, naglalaro sa aking isipan ang pag-abot ng isang trahedya na makapagbago ng lahat. Katulad ng mga tauhan sa telebisyon na nagakaamnesia dahil nabagok ang ulo o di kaya'y nabundol ng sasakyan, sana maranasan ko rin iyon. Ngunit iba sa kanilang sitwasyon. Hindi ko gusto na mawalan ng alaala. Gusto ko, ako mismo ang may kontrol sa aking alaala. Magpanggap na walang maalaala. Kung sa patag ng saykolodyi, ito ang tinatawag na lacunar amnesia.
Posible kayang mangyari ito? Sa aking palagay, malayo siguro. Subalit kapalaran lamang ang makapagsasabi. Kahit sabihin pa nating sarili mismo ang humuhubog sa ating pagkatao, ang alaala ay kailanman dikit na sa ating pagkatao. Mawala man ito, o piliin man nating mawala ito, naghahanap pa rin ito ng landas upang tayo'y magiging buo. Magiging tao.
No comments:
Post a Comment